CAUAYAN CITY – Magbibigay ng 20,000 ang bawat kongresista para mabuo ang 6 million pesos na ibibigay na tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Antonio “TonyPet” Albano ng 1st district ng Isabela, sinabi niya na manggagaling ang 20,000 sa kanilang sahod bilang kongresista.
Sa 300 aniya na kongresista sa bansa ay nasa 6 million pesos ang kanilang malilikom na maibibigay na tulong sa mga biktima ng kalamidad sa Mindanao.
Bukod dito ay mayroon ding resolusyon ang kamara na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ng calamity fund para sa dagdag na pondo na ibibigay sa mga pamilyang apektado ng lindol sa Mindanao.
Ayon pa kay Congressman Albano, sinulatan na rin ni House Speaker Allan Peter Cayetano ang Department of Budget and Management (DBM) kung maaari nilang makita ang savings ngayong Nobyembre para malaman nila kung ano pa ang kanilang kailangan para sa pondong ibibigay sa Mindanao.












