
CAUAYAN CITY – Hindi pa nakilala ang mga salarin at wala pang natukoy na motibo ang San Pablo Police Station sa pagdukot at pagpatay sa isang senior citizen na magsasaka sa Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Roberto Guiyab, hepe ng San Pablo Police Station, sinabi niya na matapos nilang matanggap ang report ng anak ng biktimang si Nehemias Beran na siya ay dinukot ng apat na armadong lalaki at sinakay sa isang puting L300 van a yagad silang tumugon.
Naglatag sila ng checkpoint para sa ikadarakip ng mga suspek subalit nabigo silang maharang ang mga ito.
Dakong 9:45 ng gabi noong November 3, 2019 nang makatanggap sila ng ulat kaugnay sa pagkakatagpo sa isang bangkay sa gilid ng daan sa Ballacayu, San Pablo at positibo itong kinilala ang mga kaanak ng biktima.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinatay si Beran sa nasabing lugar dahil sa natagpuang dalawang basyo ng bala ng M16 armalite rifle.
Nagtamo ang biktima tama ng bala sa kaniyang mukha na tumagos sa kaliwang bahagi ng ulo na nagbunga ng agad niyang kamatayan.
Ayon kay PMaj Guiyab, nakatakda nilang balikan ang pamilya ni Beran para matukoy ang posibleng motibo sa pagpatay sa kanya dahil maaaring takot lamang silang magsalita nang una silang makaugnayan ng mga pulis.




