
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pamamahagi ng mga relief goods at family food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa Cagayan dulot ng bagyong Quiel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mr. Chester Trinidad, information officer ng DSWD region 2, aabot na sa 1,200 family food packs ang kanilang ibinahagi sa mga naapektuhan ng pagbaha sa mga bayan ng Allacapan, Pamplona, Sanchez Mira at Santa Praxedes.
Ito ay bukod pa sa ipinadala ng ibang ahensiya na 400 boxes na naglalaman ng 3,000 pack ng ready to eat foods na ibinahagi sa mga bayan ng Santa Paxedes at Sanchez Mira.
Umaabot sa 266 na pamilya ang nasa loob ng 17 evacuation centers mula sa 8 na bayan ng Cagayan na naapektuhan ng pagbaha.
Ito ay bukod sa 87 na pamilya na lumikas at nakituloy sa bahay ng kanilang mga kamag-anak.










