CAUAYAN CITY – Isa ang patay, isa ang nasugatan matapos bumangga ang sinasakyan nilang tricycle sa nakaparadang trailer truck sa Solano, Nueva Vizcaya.
Ang namatay na pasahero ng tricycle ay si Elmar Agoot Galcianao habang ang nasugatan ang tsuper ng tricycle na si John Carlo Agoot Paladin, 17 anyos at residente ng Curifang, Solano Nueva Vizcaya.
Ang tsuper ng truck ay si Ronald Vinluan, 23 anyos at residente ng Tagaran, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Ferdinand Laudencia, OIC chief of Police ng Salano Police Station, sinabi niya na binabagtas ng tricycle ang kahabaan ng provincial road habang nakaparada naman sa gilid ng daan ang trailer truck.
Aniya, halos masakop na ng trailer truck ang buong linya ng daan at wala itong anumang reflectorized device na babala sana sa ibang motorista dahil madilim ang bahagi ng daan.
Nagulat umano ang tsuper ng tricycle dahil hindi nito napansin agad ang trailer truck na nakaparada sa gilid ng daan sanhi para bumangga ito.
Nagtamo ng mga sugat ang tsuper at sakay ng tricycle at dinala sila sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival si Galcianao.
Muling nagpaalala si PMaj Laudencia sa mga driver ng trailer truck na mahigpit na ipinagbabawal at nakapaloob sa special laws na labag sa batas ang pagparada ng mga truck o malalaking sasakyan sa gilid ng kalsada na walang warning device o mga reflectorized stickers dahil maaari itong magdulot ng aksidente.