
CAUAYAN CITY – Unti-unti nang nakakabawi ang mga mamamayan sa Itbayat, Batanes matapos tumama ang malakas na lindol noong July 27, 2019.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction Management (PDRRM) Officer ng Batanes, sinabi niya na bumabalik na rin sa normal ang operasyon sa mga pampublikong tanggapan sa Isla ng Itbayat.
Aniya, bagamat hindi pa nakakarating ang lahat ng mga construction materials para sa pagpapatayo ng bagong bahay ng mga residente ng nasabing isla ay malaki ang pasasalamat nila dahil nakakabangon na sila mula sa naranasang malakas na lindol.
Idinagdag din niya na may mga nakapagpatayo na ng bahay gamit ang mga light materials habang nakabalik na sa kanilang bahay ang mga pamilya na hindi ganap na napinsala ang kanilang mga bahay.
Ayon pa kay Ginoong Esdicul, malapit na ring umpisahan ang pagpapatayo ng ospital sa lugar gayundin ang kanilang munisipyo dahil may pondo na ito.
Inihayag pa ni Ginoong Esdicul na nagkaroon ng epekto sa kanilang turismo ang naganap na lindol sa Itbayat dahil inakala ng mga turista na naapektuhan din ang ilang lugar sa Batanes.










