CAUAYAN CITY-Umaasa ang City Agriculture Office na hindi magdudulot ng pagbaha sa mga pananim ang ulan na dala ng bagyong Ramon sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Constante Baroga, sinabi niya na sa ngayon ay ilang magsasaka na ang nakapagtanim ng mais sa lunsod.
Batay sa kanilang talaan ay umabot na sa 5,430 hectares ang natamnan ng mais sa at tinatayang 1,750 hectares ay malapit sa ilog.
Nangangamba si City Agriculturist Baroga na kung magkaroon ng pagtaas ng antas ng tubig at magtagal ito ay makaapekto sa mga bagong tanim na mais.
Maliban dito ay posible ring magdulot ang mga pag-ulan ng pagkaanod ng lupa sa mga bulubunduking sakahan ng mais.
Samantala, maliban sa mga pananim na mais ay wala pa silang naitalang nakapagtanim na ng palay sa lungsod Cauayan dahil nasa yugto pa rin ng paghahanda pa lang ng kanilang sakahan ang mga rice farmers.











