CAUAYAN CITY – Sasampahan ng mga kaso ang nadakip at nasugatan sa naganap na sagupaan ng mga NPA at sundalo sa Rizal, Nueva Ecija na ikinasawi ng dalawang rebelde.
Kabilang sa mga nadakip ang isang NPA na taga-Nueva Vizcaya at isang dating estudyante ng UP Bulacan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Amado Gutierrez, hepe ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 7th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na naisagawa ang operasyon nila laban sa mga rebelde sa pamamagitan ng mga impormasyon na ipinarating ng mga sibilyan.
Nilalapatan ng lunas ang mga nasugatang NPA habang nakakulong na ang mga nadakip na rebelde.
Nabawi ng militar at pulisya ang ilang matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng dalawang baby armalite, isang M16, tatlong Cal. 45, hand held radio, ilang cell phone at mga personal na gamit ng mga rebelde.
Hinihinala ng militar na nais magsagawa ng recruitement ang rebelde grupo sa Rizal, Nueva Ecija matapos na mabuwag ng militar ang kilusang larangang Guerilia Carabalio na sumanib na sa grupong kumikilos sa Sierra Madre.











