CAUAYAN CITY – Dinaluhan ng mga mayor, vice mayor at iba pang lokal na opisyal sa Isabela ang konsultasyon sa pagbabago sa 1987 Constitution na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isang isang hotel sa Sillawit, Cauayan City.
Sa kanyang pagsasalita, binigyang-diin ni Atty. Ceasar Aquino, chief of staff ni Undersecretary Jonathan Malaya ng DILG na napapanahon ng baguhin ang ilang probisyon ng 1987 constitution dahil tila hindi na umano ito naaakma sa kasalukuyang panahon.
Aniya, 32 taon na ang Saligang Batas kaya ikinokonsidera nang baguhin ang ilang nilalaman nito.
Sinabi ni Atty. Aquino na ito ang dahilan kung bakit pumupunta sila sa iba’t ibang lugar sa bansa upang kausapin at makuha ang reaksyon o feedback ng mga lokal na opisyal.
Iginiit ng DILG na ang Constitutional Reform ay naglalayong mapalakas ang kakayahan at kapangyarihan ng mga Local Government Units (LGUs) para sa pagpapatupad ng mga batas, programa at pagpapaunlad sa kanilang nasasakupan.
Inihalimbawa niya ang Metro Manila na pinupuntahan ng maraming Pilipino para magtrabaho dahil mas maraming oportunidad kumpara sa mga lalawigan.