--Ads--

CAUAYAN CITY –  Sasampahan ng kasong murder at frustrated murder ang babaeng negosyante sa Alfonso Lista, Ifugao na suspek sa pananambang noong Biyernes sa sasakyan ng mga kaibigan niyang negosyante mula sa Echague, Isabela.

Ito ay nagbunga ng pagkamatay ng negosyanteng si Orlando Dumlao habang nasugatan ang kanyang misis na si Michelle.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Alfonso Lista Police Station, isasampa ang kaso sa Piskalya sa Lagawe, Ifugao matapos silang makakalap ng ebidensiya laban sa suspek.

Hiniling ng Alfonso Lista Police Station na huwag munang banggitin ang pangalan ng  suspek na isa ring negosyante na may 6 million pesos umanong utang sa mag-asawang Dumlao.

--Ads--

Matatandaang sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa negosyanteng suspek, mariin niyang itinanggi ang akusasyon laban sa kanya sa pagsasabing hindi niya makonsensiyang ipag-utos ang pananambang sa mag-asawang negosyante dahil kaibigan niya sila at malaki ang utang na loob niya sa kanila.

Unang inihayag ni PSsgt. Bobby Bumanghat, investigator ng Alfonso Lista Police Station na sinabi ng nakaligtas na nesgosyante na ang suspek ang nasa unahan ng kanilang convoy  ngunit hindi sila sumaklolo noong mangyari ang pananambang sa kanila ng kanyang mister.

Ang tumulong sa kanila ay ang sasakyan ng punerarya na dumaan sa nasabing lugar.

Umalis naman ang mga suspek nang makita ang paparating na sasakyan.