--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang clearing operation ng Department of Public Woks and Highways (DPWH) region 2 sa mga daan at tulay sa Lambak ng Cagayan bago sila magkaroon ng pagtaya sa pinsalang iniwan ng bagyong Tisoy at  amihan

Sa naging panayam ng Bombo  Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Wilson Valdez, spokesman ng DPWH region 2  na batay  sa kanilang monitoring kaninang umaga sa Isabela ay hindi pa rin madaanan ang  Cabagan-Santa Maria overflow bridge at Abuan bridge.

Mayroon ding  bahagi ng national road  ng  Ilagan-Delfin Albano-Mallig road ang hindi pa madaanan dahil sa baha.

Sa lalawigan naman ng Cagayan pangunahin na sa bayan ng Baggao ay may  tatlong tulay na hindi na madaanan at mayroong ding daan na nagkaroon ng pagguho ng lupa.

--Ads--

Sa Tuguegarao City diversion road 2  ay hindi na madaanan dulot ng pagbaha  habang ang   Itawes Bridge sa boundary ng Isabela at Cagayan ay  bumaba na  ang antas ng tubig at maaari nang daanan.

Mayroon ding section sa Gattaran, Santa Praxedes, Amulong at  Enrile, Cagayan ang maari nang daanan.

Nagkaroon din ng pagguho ng lupa sa isang daan sa Claveria, Cagayan na hanggang ngayon ay inaayos pa ng DPWH.

Samantala, sinusuri na rin ang kalagayan ng Bunton Bridge na ngayon ay paunti unti nang bumababa ang antas  ng tubig sa ilog Cagayan.

Nilinaw pa ni Ginoong Valdez na fake news ang ipinakalat na pag-apaw ng tubig sa Bunton Bridge  dahil kapag nangyari ito ay buong lunsod ng Tuguegarao Ang  mababaha…