CAUAYAN CITY – Patay ang isang bilanggo matapos pagsasaksakin ng kapwa bilanggo sa provincial jail, Capitol compound sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Alvin Buscas, dalawampu’t isang taong gulang, binata, residente ng Brgy. District 4, Bayombong, Nueva Vizcaya habang ang pinaghihinalaan ay si Esmeraldo Olarte III, dalawampu’t siyam na taong gulang, at residente ng Madiangat, Quezon, Nueva Vizcaya.
Batay sa ulat ng Bayombong Police Station ang biktima at suspek ay mayroong hindi pagkakaunawaan sa mga nagdaang araw at nang muling nagtalo kahapon ng umaga ay inilabas ng suspek ang isang improvise knife na ginagamit sa kanilang livelihood program at sinaksak sa ulo at dibdib ang biktima.
Agad namang isinugod si Buscas sa pagamutan subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Lumalabas na nag-ugat ang pagtatalo ng biktima at suspek na nauwi sa pananaksak nang matamaan ng bola ng biktima ang nakasampay na damit ng suspek.
Samantala, itinuturing naman ni OIC provincial jail Warden Carmelo Andrada na Isolated case ang pangyayari.
Aniya, sa ngayon ay magpapatuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat kung ano ang tunay na motibo ng suspek sa pananaksak.
Ang namatay na bilanggo ay may kasong Carnaping habang ang suspek ay nahaharap sa kasong frustrated homicide.











