CAUAYAN CITY – Labis ang pagdadalamhati ngayon ng isang binata matapos na magkasunod na mamatay ang kaniyang ina at kasintahan.
Unang namatay ang ina ng binatang si Rendel Paul Raposas at nakatakda ang libing ngayong araw.
Kagabi ay nagtungo sa huling gabi ng lamay ng kanyang ina sa Nappacu Pequenio, Reina Mercedes, Isabela ang kasintahang si Ivy Joyce Juan, 20 anyos at residente ng San Fermin, Cauayan City.
Ihahatid sana ni Rendel ang kanyang kasintahan sa kanilang bahay sa San Fermin,Cauayan City sakay ng motorsiklo nang sila ay mabangga ng sumusunod sa kanilang van na nag-overtake umano sa isang sasakyan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rendel Paul Raposas, sinabi niya na habang dahan-dahan nilang binabagtas ang bahagi ng F. N. Dy Boulevard sa San Fermin ay nagulat na lamang siya nang may sumulpot na van.
Pag-ikot aniya ng kanilang motorsiklo ay nabigla siya nang hindi makita ang kaniyang kasintahan sa kaniyang likod.
Nang hanapin niya ay nakabulagta na sa daan at basag na ang bungo.
Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station na matapos na mabangga ng van ang sinasakyang motorsiklo ng magkasintahan ay nagulungan si Ivy sanhi para magtamo ng malubhang sugat sa ulo na nagbunga ng kanyang kamatayan.
Labis ang pagdadalamhati ng binata sa magkasunod na pagyao ng kanyang ina at kasintahan.






