CAUAYAN CITY – Tatlo ang patay sa mga naganap na aksidente sa daan sa Lunsod ng Cauayan at Lunsod ng Ilagan.
Patay si Wilson Agustin, 59 anyos at residente ng Villa Domingo, Angadanan, Isabela matapos na mabangga ng isang sasakyan habang tumatawid sa national highway sa District 1, Cauayan City.
Ang tsuper ng Mitsubishi Pajero na nakabangga sa kanya ay si Dindo Payad, 44 anyos at residente ng District 1, Cauayan City.
Dinala ng mga kasapi ng Rescue 922 si Agustin sa isang pribadong ospital subalit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa malubhang sugat sa katawan.
Samantala, sa Lunsod ng Ilagan ay nasawi ang isang binata ng nabangga ng isang Victory bus sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay San Juan.
Ang biktima ay si Marchall Dela Cruz, 30 anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Ang bus ay minaneho ni Richelle Mendoza, 33 anyos at residente ng Villaluz, Benito Soliven, Isabela.
Sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, binabagtas ng bus ang daan patungong hilaga nang bigla umanong tumawid ang biktima kaya siya ay nabangga.
Sinasabing tumakbo ang binata dahil sa banta umano ng kanyang kapatid na siya ay sasaksakin.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng malalang sugat sa kanyang katawan si Dela Cruz na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Patay din ang isang contractor matapos na mawalan ng kontrol sa manibela at napunta ang minamanehong Honda CRV sa bakanteng lote sa barangay road na malapit sa DENR checkpoint sa Marana 1st, Lunsod ng Ilagan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa City Of Ilagan Police Station, ang biktima na si Jesus Asuncion, 68 anyos at residente ng Mabini, Alicia, Isabela ay galing umano sa Sta. Victoria, Lunsod ng Ilagan.
Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima na dinala ng Rescue 1124 sa ospital ngunit binawiaan din ng buhay.












