Cauayan City – Namahagi ng libu-libong cookies, muffins at face masks ang TESDA Region 2 sa mga bakwit sa Batangas dahil sa pagputok ng Bulkang Taal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting Regional Director Demetrio Anduyan ng TESDA Region 2, sinabi niya na gumawa ng tig-dalawang libong cookies, muffins at face mask ang anim na paaralan ng TESDA sa buong lambak ng Cagayan.
Aniya, ang cookies at muffins ay ginawa ng kanilang mga estudyante sa bread and pastry production habang ang mga face mask ay tinahi naman ng kanilang mga estudyante sa tailoring at dressmaking.
Ayon kay Ginoong Anduyan, ang hakbang na ito ay utos ng kalihim ng TESDA na si Secretary Isidro LapeƱa.
Aniya, inatasan ng kalihim ang lahat ng mga paaralan ng TESDA sa buong bansa na gumawa ng mga pagkain na hindi agad masira gayundin ang face mask.
Ayon pa kay Ginoong Anduyan, bukod sa mga nasabing tulong ay may ibinigay din silang P40,000 na mula sa kanilang mga provincial offices dito sa rehiyon.