--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na wala pang kaso ng 2019 novel coronavirus o 2019 nCoV sa ikalawang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na ang kanilang binabantayan ngayon na nakaisolate sa CVMC ay person under investigation o PUI lamang.

Nilinaw niya na ang person under investigation ay hindi kumpirmadong kaso ng coronavirus kundi iniimbestigahan pa lamang base na rin sa criteria na ibinigay sa kanila ng kanilang central office.

Ayon kay Dr. Baggao, may travel history sa Hongkong ang kanilang binabantayan na isang dalawampu’t siyam na taong gulang na babae at taga-Cagayan.

--Ads--

Dumating siya noong ikadalawampu’t apat ng Enero kung saan nakaranas siya ng ubo, sipon, lagnat, at may history ng exposure sa Hongkong kaya siya isinailalim sa quarantine.

Gayunman, sa ngayon ay wala na silang nakikitang sintomas ng coronavirus sa kanya at sa katunayan ay hinihintay na lamang nila ang resulta ng kanyang examination sa throat swab mula sa Research Institute for Tropical Medicine sa kalakhang Maynila at umaasa sila na ito ay magnegatibo para makauwi na rin ang pasyente.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC.