CAUAYAN CITY – Naipasakamay sa 91st Infantry Battalion, Philippine Army na nakabase sa Baler, Aurora ang isang garand rifle na may apat na bala, at isang improvised 12-gauge homemade shotgun matapos na may lumapit sa kanila at sabihin ang lugar kung saan nakabaon ang mga ito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Amado Gutierrez, Division Public Affairs Office o DPAO Chief ng 7th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niya na nabawi ng 91st IB ang mga nasabing baril nang magsagawa sila ng combat operation sa nasasakupan ng Dianawan, Maria Aurora, Aurora Province noong katapusan ng Enero, 2020.
Aniya, may lumapit sa mga sundalo na isang concerned citizen at sinabi ang lugar kung saan ibinaon ng mga New People’s Army o NPA na napapabilang sa Komiteng Larangang Guerilla o KLG Sierra Madre ang mga nasabing baril.
Sa ngayon ay pansamantalang nasa pangangalaga ng 91st IB ang mga nasabing baril at nakatakdang ipasakamay sa mga kinaukulan.
Ayon kay Maj. Gutierrez, natutuwa sila dahil unti-unti ng nagbubunga ang Executive Order no. 70 o Whole of Nation Approach at umaasa sila na tuluy-tuloy na ang pagtulong na ito ng mga mamamayan sa mga kasundaluhan.