--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtalaga na ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City ng mga health workers sa Cauayan City Airport para magmonitor sa mga dumarating na turista sa paliparan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na bilang tugon sa memorandum na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol sa paglalatag ng precautionary measures para mapigilan ang pagpasok ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) ay nagtalaga na ang lokal na pamahalaan ng Cauayan ng mga health workers sa paliparan ng lunsod sa tulong na rin ng regional office ng Department of Health (DOH).

Aniya, ang mga health workers na ito ang kumukuha ng temperature ng bawat pasahero na bumababa sa mga eroplano na dumarating.

Gayunman, wala aniya siyang plano na magpatupad ng ban sa mga Chinese National dahil ayaw niyang magkaroon ng diskriminasyon sa mga Chinese sa lunsod dahil lamang sa rason na galing sa kanilang bansa ang 2019-nCoV.

--Ads--
Tinig ni Mayor Bernard Dy ng Cauayan City.

Samantala, plano naman ng mga Sangguniang Panlungsod member ng Cauayan na bumuo ng task force na tututok sa 2019-nCoV.

Sa Privilege hour sa ginanap na regular session kahapon, sinabi ni SP member Rufino Arcega na kailangang bumuo ng lunsod ng task-force para sa nasabing sakit.

Bubuuin aniya ito ng mga ahensya na may kinalaman sa kalusugan gaya na lamang ng mga pampubliko at pribadong pagamutan sa lunsod.

Tinig ni Sangguniang Panlungsod member Rufino Arcega.