
CAUAYAN CITY – Pinayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang publiko na maghinay-hinay ng paggamit ng face mask lalo na kung wala namang sipon at ubo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na abala ang ahensiya sa pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa tamang paggamit ng face mask at kung sino ang mga dapat na gumamit nito.
Ayon kay Ginoong Singun, sa inilabas na pabatid ng World Health Organization (WHO) ang mga taong may sintomas ng sipon at ubo ang dapat na magsuot ng face mask maging mga taong exposed sa may respiratory infection at mga health workers na may direct contact sa mga maysakit.
Ang hakbang na ito aniya ay upang matigil na ang pagtaas ng demand sa face mask dahil sa pagbili ng maraming mamamayan.
Samantala, inamin ng pamunuan ng DTI Isabela na pahirapan para sa kanila ang pagmomonitor sa presyo at supply ng face mask na ibinebenta online.
Bagamat may ipinatutupad na price freeze ay hindi direktang nasasakop ng DTI ang ilang produktong ibinebenta online pangunahin ang mga surgical mask.
Ang bawat piraso ng ordinary face mask ay nagkakahalaga ng 8 pesos habang ang N95 Mask ay mula 40-105 pesos kada piraso.










