
CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos sasaksakin ng kapwa magsasaka sa Alloy, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Elmer Oligo, 36 anyos habang ang suspek si Primo Gazmin, 49 anyos na taong gulang kapwa magsasaka at residente sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyong isinagawa ng Kasibu Police Station, habang nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang ilang kaibigan sa bahay ni Ezekiel Villaflores ay akmang sasaktan ni Oligo ang isang may kapansanang nakaharap sa nasabing inuman.
Dahil sa pangyayari ay nainis si Gazmin at sinita si Oligo.
Nagsuntukan ang dalawa pagkatapos ay tumakbo si Oligo sa kanilang bahay at nang bumalik ay may dala na siyang itak.
Inundayan ni Oligo ng taga si Gazmin ngunit tiyempong nadampot ang isang kutsilyo at sinaksak ang biktima.
Nagtamo ng dalawang saksak sa dibdib at isang tama sa tiyan si Oligo.
Naitakbo pa sa Kasibu Municipal Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Nasa kustodiya ng Kasibu Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong homicide.



