
CAUAYAN CITY – Kinondena ni PCol. Mariano Rodriguez, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang illegal na aktibidad ng isang pulis at kasabwat na sibilyan.
Binigyang-diin niya na walang puwang sa kanilang hanay ang mga scalawags.
Una rito ay inaresto ng Composite team mula IPPO, Regional Integrity Monitoring Team (RIMET) at Regional Highway Patrol Unit 2 ang isang pulis at kasabwat na sibilyan dahil sa kanilang extortion activities sa Cabatuan, Isabela.
Ang inaresto ay si PSMS Fidel Rey Dugayon, 45 anyos at kasapi ng Special Motorcycle and Response Team (ISMART) at si Joel Acosta, 42 anyos, welder at residente ng Culing Centro, Cabatuan, Isabela sa isinagawang entrapment operation dakong alas singko kahapon.
Ang operasyon ay nag-ugat sa natanggap na impormasyon na ang mga suspek ay nangingikil mula sa mga nahuling motorista na may paglabag sa batas sa lansangan .
Nakuha sa pag-iingat ni Dugayon ang 2,000 gayundin ang limang motorsiklo habang isang tricycle ang nabawi mula sa kanyang bahay.
Nabawi naman sa pag-iingat ni Acosta ang P/12,000 cash.










