--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga otoridad ang 3 drug personality sa magkakasunod na drug buy-bust operation sa Santiago City.

Ang mga unang inaresto ay sina  Kevin Jackler Dela Cruz, 26 anyos, construction worker, at residente ng nasabing barangay at  Ron Galang, 47 anyos, tattoo artist at residente ng Balintocatoc, Santiago City.

Sa pagtutulungan ng Santiago City Police Office (SCPO), PDEA Region 2 at Presinto Uno sa pangunguna ni PCapt Romel Cansejo ay isinagawa ang operasyon na nagbunga ng pagkadakip ng dalawa.

Nasamsam sa kanila ang isang pakete ng hinihinalang shabu ng pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ang 3,000 pesos na drug  buy-bust money.

--Ads--

Nakuha naman kay Galang ang tatlo pang pakete ng hinihinalang shabu.

Samantala sa isa pang  operasyon ay nadakip  ang isang 58 anyos na lolo matapos mahuli sa aktong nagbebenta ng hinihinalang shabu sa  Sagana, Santiago City.

Ang suspek ay  si Reynaldo Aquino, may asawa at residente ng Villasis, Santiago City na nasamsaman ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Napag-alaman na dati nang nasangkot sa katulad na kaso sina Galang at Dela Cruz at nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining.

Nabatid namang drug surrenderer noon si Aquino at kabilang sa mga residenteng nasunugan ng bahay sa kanilang barangay.  

Sasampahan ang tatlo ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.