--Ads--
Tinig ni Pol. Staff Sgt. Rogelio Ignacio Jr.

CAUAYAN CITY – Patay ang isang estudyante habang nasugatan naman ang kanyang kasama matapos bumangga sa isang 6×6 truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa lansangang nasasakupan ng Minanga, San Mariano Isabela.

Ang namatay ay si Jaymark Flores, 15-anyos, habang sugatan naman si Gerald Taguimacon, 18-anyos, parehong estudyante at kapwa residente ng Ueg, San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pol. Staff Sgt. Rogelio Ignacio Jr., tagasiyasat ng San Mariano Police Station, sinabi niya na sakay ng motorsiklong Honda XRM ang dalawang estudyante na minamaneho ng namatay na si Flores at sinusundan nila ang 6×6 truck na minamaneho ni Gilbert Tolentino, 31-anyos at residente ng Sitio Caunayan, San Mariano, Isabela nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nagmenor ang 6×6 truck dahil kakanan sana subalit bigla na lamang nabunggo ng sinasakyang motorsiklo ng mga biktima.

Agad na namatay si Flores habang dinala naman sa pagamutan si Taguimacon.

--Ads--

Aniya, posible sanang walang namatay kung isinuot lamang ng mga biktima ang dala nilang helmet.

Sa ngayon ay patuloy pa ring ginagamot sa isang pagamutan dito sa lunsod ng Cauayan si Taguimacon habang naiuwi na ang bangkay ni Flores sa kanilang bahay.