CAUAYAN CITY – Sa halip na ilagay sa noo ang abo para sa ash Wednesday ay ilalagay na lamang sa fuyo o ulo ng mga debotong katoliko bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Vener Ceperez, Social Comminications Director ng Diocese of Ilagan at kuraparuko ng St. Anthony De Padua Parish Church sa Reina Mercedes, Isabela, sinabi niya na bukod dito ay wala ng pagbabago sa pagdiriwang ng ash Wednesday sa mga simbahang katoliko sa Isabela.
Ito anya ay bilang pagsunod na rin sa mungkahi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Inihayag pa ni Father Ceperez na hindi na bago ang paglalagay ng abo sa ulo ng isang deboto dahil ginagawa na ito noon.
Binigyang diin pa niya ang kahalagahan ng paggunita ng ash Wednesday na simula ng pagdiriwang ng panahon ng kuwaresma.
Ito ay ang 40-araw na paghahanda sa mga mahal na araw hanggang sa pagdiriwang ng paghihirap, kamatayan at pagkabuhay ni Hesukristo.











