--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang tatlong lalaki matapos na masangkot sa aksidente ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Osmeña, City of Ilagan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isang 15-anyos na lalaki ang tsuper ng motorsiklo habang ang mga angkas nito ay sina Diego Santiago, binata, construction worker at si Paulino Bolar, kapwa 18-anyos, binata at pawang residente ng Anggasian, City of Ilagan.

Sa pagsisiyasat ng City of Ilagan Police Station, binabagtas ng motorsiklo ang naturang lansangan patungong Baligatan nang biglang umanong nawalan ng preno ang motorsiklo na dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper nito at sumalpok sa price board ng isang gasolinahan.

Tumilapon ang mga biktima na dahilan upang magtamo sila ng mga sugat sa katawan.

--Ads--

Dinala ng mga tumugong kasapi ng rescue team ang mga biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas ngunit inilipat si Bolar sa isang pagamutan sa Tuguegarao City.