CAUAYAN CITY – Isang kolektor ng bangko sa City of Ilagan ang hinoldap ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki sa Brgy. Gayong-Gayong Norte.
Ang biktima ay si Ramilo Baccay, 28-anyos, binata, collector ng isang bangko sa City of Ilagan at residente ng Quezon, Nagulian Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. James Pattalitan, investigator on case, sinabi niya na batay sa salaysay ng biktima ay nagtungo siya sa Brgy. Gayong-Gayong Norte upang mangolekto ng pera sa kanilang kliyente.
Nang pauwi na siya sakay ng kanyang motorskilo ay bigla na lamang umano siyang tinambangan ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo.
Ayon pa umano sa biktima, pumusisyon ang isang motorsiklo sa kanyang harap habang ang isa naman ay sa kanyang likuran.
Tinutukan umano siya ng calibre trentay otsong baril ng isa sa apat na lalaki at kinuha ang susi ng kanyang motorsiklo at itinapon.
Matapos ang pangho-holdap ay agad umanong umalis ang mga pinaghihinalaan patungo sa direksyon ng Gayong-Gayong Sur, City of Ilagan.
Nakuha sa kanya ang mahigit kumulang P29,000 na kanyang nakolekta, P11,000 na personal niyang pera, mga cards at resibo.
Ayon kay PSSg. Pattalitan, malayo sa mga kabahayan ang pinangyarihan ng insidente kaya walang nakakita sa pangyayari.
Posible naman aniyang inabangan ang biktima dahil hindi ito ang unang beses na pumunta siya sa lugar para mangolekta ng pera.
Nakasuot umano ng bonete ang mga salarin subalit hindi natatakpan ang kanilang mga mukha kaya makikilala umano sila ng biktima kapag makita niya ang mga ito.











