
CAUAYAN CITY – Patay ang isang barangay tanod matapos umanong manlaban sa mga pulis sa naganap na drug buy-bust operation kaninang madaling araw sa Victoria, San Mateo, Isabela.
Ang napatay ng mga kasapi ng San Mateo Police Station ay si Justin Carlo Apostol, 19 anyos, barangay tanod ng Barangay 3, San Mateo, Isabela at sumuko noon sa Oplan Tokhang.
Nagtamo ng 2 tama ng bala sa kanyang dibdib si Apostol na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa pinsan ni Apostol na si Clifford, sinabi niya na dakong alas otso kagabi nang hiniram ni Carlo ang kanilang motorsiklo ngunit hindi na nakabalik.
Sinabi naman ni Ginoong Makoy Elarde, tiyuhin ni Apostol na magkasama pa silang uminum ng alak kagabi ngunit pagkatapos nito ay umalis ang kanyang pamangkin sakay ng hiniram na motorsiklo.
Sinabi ni Elarde na bagamat nasangkot sa illegal na droga ay nagbago na ang kanyang pamangkin at wala silang alam na kaaway.
Samantala, sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Mateo Police Station, dakong alauna kaninang madaling araw nang bumuo sila ng team na nagsagawa ng drug buy bust operation dahil sa nakuhang impormasyon hinggil sa isang lalaking magbebenta ng illegal na droga sa barangay Victoria.
Nakatunog umano si Apostol na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang operatiba na tinamaan ng bala ngunit nakasuot ng bullet proof vest.
Nakuha ng Scene of the Crime Operatives ( Soco) sa lugar ang isang Caliber 38, isang fired cartridge nito, dalawang fired cartridge ng 9mm pisol, at dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at ang motorsiklo na ginamit sa transaction.










