CAUAYAN CITY – Umabot na sa 23 barangay mula sa 11 na bayan sa Isabela ang may kaso ng African Swine Fever (ASF).
Ang mga naidagdag ay ang barangay Santiago sa Reina Mercedes, Isabela; Pangal Sur at San Manuel sa bayan ng Echague habang tatlong bayan pa ang kinunan ng blood samples ng mga baboy na kinabibilangan ng Roxas, Luna at San Isidro, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinarian, sinabi niya na mula sa 20 barangay ay umakyat na sa 23 ang may kaso ng ASF na katumbas ng 2.1 % ng mahigit 1,000 barangay sa Isabela .
Ayon kay Dr. Naui, umabot na sa 1,137 na baboy ang isinailalim sa culling sa lalawigan.
Hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test ng Bureau of Animal Industry (BAI) bago isailalim sa culling ang mga baboy na nakunan ng blood samples.
Inatasan din ang mga Municipal at City Agriculture Office at mga opisyal ng barangay na masusing imonitor ang kanilang mga nasasakupan tulad ng mahigpit na pagpapatupad ng mga checkpoint.
Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na magkakaloob ng tulong pinansiyal para sa mga apektadong hog raisers bukod pa sa tulong ng Department of Agriculture (DA).












