--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) region 2 ang ilang pahayag kaugnay sa pagkansela ng End of School Year Rites (ESYR) ng mga mag-aaral na magtatapos ngayong Marso 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Amir Aquino, head public affairs unit ng DepEd region 2, sinabi niya na sa ngayon ay wala pang ibinababang kautusan ang DepEd Central office may kaugnayan sa nasabing usapin at hindi ito maaaring desisyunan ng DepEd Region 2.

Aniya, handa silang tumalima sa mga ibabang kautusan ng DepEd Central office may kaugnayan sa pagkansela ng nasabing mga aktibidad gaya ng Moving UP Ceremony.

Nanawagan din ang DepEd sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga impormasyong hindi nabeberipika o walang katotohanan upang maiwasan na magdulot ng pangamba sa nakakarami.

--Ads--

Nilinaw din ni Aquino na bagamat pormal nang kinansela ng DepEd ang pagdaraos ng CAVRAA meet 2020 ay maaari pa rin itong matuloy sakaling makita ng DepEd central office na humuhupa na ang usapin ng COVID-19 sa bansa.

Tinig ni Amir Aquino, head public affairs unit ng DepEd Region 2.