
CAUAYAN CITY – Umabot na sa 33 barangay ng 15 na bayan sa Isabela ang nakapagtala ng kaso ng African Swine Fever (ASF) matapos maidagdag ang barangay Centro Uno, sa San Guillermo, Isabela.
Hinihintay pa ang resulta ng test sa ilang barangay sa Roxas at San Isidro, Isabela habang dumating na ang resulta ng test sa Luzon, Cabatuan at isang barangay sa Luna, Isabela na naging negatibo sa ASF.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer (PVO) ng Isabela namatapos ideklarang nasa ilalim ng State of Calamity ang Isabela dahil sa African Swine Fever at Coronavirus Disease (COVID-19) ay madali na lamang ma-access ang pondo para malabanan ang mga ito.
Sinabi pa ni Dr. Naui na dahil sa umabot na sa 1,830 ang mga baboy na isinailalim sa culling sa Isabela dahil sa ASF ay hindi na kakayanin ang financial assistance mula sa tanggapan ng gobernador.
Kailangan ang dagdag na pondo para matulungan ang mga hog raisers sa Isabela at malaking tulong ang ipapalabas na calamity fund .
Ayon kay Dr. Naui, ang pamamahagi ng tulong ay pag-uusapan pa nila ni Gov. Rodito Albano upang maging maayos at hindi na maulit ang mga nauna nang nabigyan ng tulong.










