CAUAYAN CITY – Naglaan ng P3 million na pondo ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng lalawigan ng Nueva Vizcaya para gamitin sa procurement ng health facilities ng mga pagamutan bilang paghahanda sa Coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Edwin Galapon, head ng Provincial task force on COVID-19 ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na sa ngayon ay nanatiling COVID free ang lalawigan.
Aniya, nakalabas na sa pagamutan ang isa sa labinlimang Person under investigation (PUIs) ng lalawigan matapos na magnegatibo sa COVID-19.
Ayon pa kay Dr. Galapon, sa ngayon ay bumaba na sa labing-apat ang binabantayan nilang PUI’s at tatlo sa kanila ay mula sa Ifugao habang ang labing-isa naman ay mula sa kanilang lalawigan.
Karamihan sa kanilang mga PUIs ay may travel history sa Hongkong habang ang ilan ay mula naman sa National Capital Region.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagpapatupad nila ng mga hakbang kontra sa COVID-19 katuwang ang DepEd, PNP, DILG at Provincial Government.
Tinututukan rin nila sa mga checkpoints ang mga pampasaherong bus na mula sa Metro Manila.
Samantala, sinuspinde na ang klase sa lahat ng antas, pribado man o pampublikong paaralan sa Solano, Bayombong, Aritao at Sta Fe bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.











