
CAUAYAN CITY – Bibigyan ng emergency employment ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa sa pribadong sektor na may problema sa ‘no work no pay’ dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magbibigay sila ng emergency employment na may katumbas na minimum wage.
Ang employer aniya o mismong ang manggagawa ay dapat magreport sa opisina ng DOLE sa kanilang lugar.
Ayon kay Kalihim Bello, hindi dapat mabahala ang mga manggagawa sa pribadong sektor dahil pansamantala lamang ang hindi nila pagpasok sa kanilang trabaho para sa kanilang kaligtasan laban sa Coronavirus Disease (COVID 19).
Pinayuhan ni Secretary Bello ang mga manggagawa na hindi kasali sa mga tinaguriang ‘essential’ services na hindi dapat pumasok sa trabaho at manatili sa kanilang mga bahay batay sa mga guidelines sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Aniya, kung may kailangang bilhin sa palengke, restaurant o botika ay isang miyembro lang ng pamilya ang dapat lumabas.










