
CAUAYAN CITY – Naglabas ang Philhealth ng mga benepisyo na makukuha ng kanilang mga miyembro na maapektuhan ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Manager Joseph Reyes ng Philhealth Cauayan City, sinabi niya na batay sa inilabas ng kanilang pamunuan ay may P14,000 na isolation package para sa mga Persons Under Investigation (PUI’s).
Kung ang isang pasyente na nasa isang ospital subalit hindi kinaya at inirekomenda sa ibang pagamutan ay mayroon din silang referral package na P4,000 at iba pang benepisyo.
Naglabas din sila ng advisory tungkol sa paglalaan nila ng P3 billion sa mga pagamutan bilang cash advance na mare-reimburse ng mga posibleng kapitan ng COVID-19.
Samantala, bukas pa rin ang Philhealth mula Lunes hanggang Biyernes sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Gayunman ay mahigpit nilang ipinapatupad ang social distancing gayundin ang paggamit ng alohol habang sa kanilang log book ay ang security guard na lamang ang nagsusulat.
Ayon pa kay Reyes, sinabihan na rin nila ang mga ospital na sa halip na papuntahin sa kanilang tanggapan ang kanilang mga pasyente ay itawag na lamang ito sa kanila para maiwasan ang pagdagsa ng maraming tao sa kanilang opisina.
Nanawagan naman siya sa mga senior citizen na kung kukuha lang naman ng ID ay ipagpaliban na lamang o di kaya ay mag-utos ng ibang tao para kumuha.










