CAUAYAN CITY – May walong Person’s Under Investigation (PUIs) ngayon ang lalawigan ng Quirino at kasalukuyang sumasailalim sa quarantine habang hinihintay ang resulta ng kanilang test.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Social Welfare and Development Officer Jun Pagbilao, sinabi niya na ang walo nilang PUI ay galing sa iba’t ibang bansa gaya ng Lebanon, Singapore, Hongkong at Japan.
Ang mga naitatala nilang PUI ay dinadala nila sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa lunsod ng Santiago.
Ayon pa kay Pagbilao, bilang suporta sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsailalim sa Enhance Community Quarantine sa buong Luzon ay naglabas din sila noong Martes ng Executive Order number 3 at isinasailalim din sa Enhanced Community Quarantine ang kanilang lalawigan.
Dahil dito ay wala na silang pinapayagan na makalabas sa nasasakupan ng kanilang lalawigan.
Inihayag pa niya na sarado na rin lahat ng kanilang mga hotel at tanging mga establisyemento na lamang na nagbebenta ng pangunahing pangangailangan ng mga tao ang bukas.
Idinagdag pa niya na nakahanda na rin ang kanilang mga family food packs na ibibigay sa mga mangangailangan.











