CAUAYAN CITY – Nagrerepack na ng mga food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 para ipamahagi sa mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chester Trinidad, infromation officer ng DWSD Region 2, sinabi niya na in-activate na nila ang kanilang Disaster Monitoring Preparedness Team upang mangasiwa sa pag-repacked sa mga goods na ipapamigay sa mga naaapektuhan ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.
Layunin ng binuong team na maihanda ang mga relief packs upang maging handa sakaling kakailanganin na ng mga Local Government Units.
Sa ngayon ay tinataya nila ang pangangailangan ng mga mamamayan ngunit batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga LGUs ay naghahanda na rin sila para bumili ng mga pagkaing ipamimigay sa mga mamamayan.
Sinabi pa ni Trinidad na dadalhin ng mga opisyal ng barangay isa-isa sa mga benefeciaries ang mga food packs upang maipatupad ang Social Distancing.
Umaabot na sa mahigit walong libong food packs ang nakahandang ipamahagi ng DSWD region 2.











