CAUAYAN CITY – Pansamantalang ititigil ang ilang programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ngayong buwan ng Marso dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jeaneth Antolin-Lozano, information officer ng 4Ps Program ng DSWD, sinabi niya na dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine ay may mga pagbabago silang ginawa sa programa.
Aniya, naglabas ang kanilang central office ng mga alituntunin na dapat nilang sundin.
Kabilang na rito ang pagpapatigil sa kanilang mga on-site activities na kinabibilangan ng family development session.
Gayunman ay matatanggap pa rin ng mga benefeciaries ang kanilang benepisyo dahil ikukunsidera na lamang ito ng pamahalaan.
Sa mga mag-aaral naman ay ikukunsidera rin nila ang pagkansela sa kanilang mga klase at ibibigay pa rin ang kanilang educational grants kahit hindi nila natapos ang araw na kailangan nilang pumasok.











