
CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kaso sa Prosecutor’s Office ang isang online seller na naaresto sa entrapment operation na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department of Trade and Industry (DTI).
Ang inaresto at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act ay si Michael Bravo, 27 anyos at residente ng Marabulig I, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. Col. Arturo Marcelino, pinuno ng CIDG Isabela na nakatanggap sila ng ulat hinggil sa pagbebenta ng suspek ng overpriced na facemask at alcohol kaya nakipag-transaksiyon sila sa kanya at isinagawa ang entrapment operation.
Nakuha sa pag-iingat ni Bravo ang isang bungkos ng boodle money na may marked money.
Nakumpiska rin sa pag-iingat ni Bravo ang 31 na piraso ng ethyl alcohol na nakalagay sa plastic na bote at ibinebenta sa halagang 300 pesos at 30 pieces ng face mask na ibinebenta ng 150 pesos bawat piraso.
Sinabi ni Lt. Col. Marcelino na inamin ni Bravo na may pinagkukunan siya ng mga items na ibinebenta niya online at ito ay inaalam na ng CIDG.










