CAUAYAN CITY – Pinahintulutan ng tanggapan ni Health Secretary Francisco Duque III ang Cagayan Valley Center for Health Development na magbigay ng impormasyon hinggil sa isang pasyente na kasalukuyang isolated at ginagamot sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na kinumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibo sa COVID 19.
Ang patient 275 na naitala na national database DOH ay isang 44 anyos at residente ng Tuguegarao City.
Siya ay nakatalaga bilang fireman sa Sta. Mesa, Maynila
Ang pasyente ay dumating sa Tuguegarao City noong March 11, 2020 mula sa Metro Manila.
Bago siya dumating ay nakaranas na ang biktima ng sintomas ng sakit tulad ng ubo at hirap sa paghinga.
Una siyang dinala sa Divine Mercy Wellness Center ngunit inilipat siya sa Cagayan Valley Medical Center.
Nagsasagawa na ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit at mga personnel ng Tuguegarao City Health Office ng contact tracing sa lahat ng mga nakasalamuha ng patient 275.
Sa kanilang press conference, sinabi ni Dr. James Guzman, Tuguegarao City Health Officer, sinabi niya na kabilang sa mga isasailalim sa home quarantine ang asawa ng biktima, ang kanyang nanay, kapatid at ilan pang kamag-anak na kanyang direktang nakasalamuha.
Nilinaw naman ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC na buhay at maayos ang kalagayan ng pasyente at wala siyang lagnat.
Sinabi pa niya na asymptomatic ang mga medical personnel na umasikaso sa pasyente.
Nasa high risk aniya ang misis ng patient 275 na nagdala sa kanya sa ospital.










