
CAUAYAN CITY – Tatlo na ang kumpirmadong tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID 19) sa region 2.
Sa kanilang press conference kaninang alas diyes ng umaga, kinumpirma ng Department of Health (DOH) region 2 sa pangunguna ni OIC Director III Dr. Leticia Cabrera na dalawa pang pasyente ang nagpositibo sa COVID 19 sa Lambak ng Cagayan.
Ang mga biktima ay sina patient PH661, 39 anyos na lalaki mula sa Tuao, Cagayan na may diabetes at PH662, 70 anyos na lalaki mula sa Gattaran, Cagayan.
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief II ng Cagayan Valley medical Center (CVMC) ang PH661 ay nagtungo sa Metro Manila noong March 14, 2020 para salubungin ang kanyang misis na dumating mula sa Hong Kong.
Dumating sila sa kanilang bahay noong March 15, 2020 at nakaranas siya ng lagnat at dinala sa CMVC noong March 18, 2020.
Isinailalim siya sa swab test noong March 20 at dumating ang resulta noong March 25, 2020 mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibo siya sa COVID 19.
Ang PH661 ay at kanyang misis ay sumakay ng Florida Bus GD73 at seat #35 and #36.
Bumaba sila sa bus terminal noong March 15, 2020 at sumakay ng jeep patungong Tuao, Cagayan kung saan sila sumakay ng tricycle pauwi sa kanilang bahay.
Noong March 17 ay nakaranas siya ng lagnat, sore throat at ubo kaya nagpakonsulta siya sa Rural Health Unit (RHU) na nakipag-ugnayan sa kanilang Provincial Health Office (PHO) na siyang nakipag-ugnayan naman sa CVMC at dinala siya roon sakay ng ambulansiya.
Ang biktima ay nasa maayos na kondisyon sa isolation room sa CVMC.
Ayon kay Dr. Baggao, ang kanyang misis na galing sa Hong Kong ay nasa strict home quarantine at walang sintomas ng COVID 19.
Sinabi naman ni Dr. Jan Tugadi ng DOH region 2 na ang PH662 ay nakaramdam ng lagnat at ubo at nasa home quarantine simula noong March 18 at naging positibo ang resulta ng kanyang swab test noong March 25, 2020.
Patuloy na minomonitor ng Municipal Health Office (MHO) ng Gattaran, Cagayan ang kalagayan ni PH662.
Patuloy ang contact tracing ng DOH region 2 sa mga taong nakasabayan ni PH661 sa Florida Bus GD73.
Hiniling ni Dr. Tugadi sa mga sakay ng nasabing bus na makipag-ugnayan sa kanilang barangay kapitan o mga barangay health workers sa kanilang lugar para maipakonsulta sila sa kanilang Municipal Health Office (MHO) at mapayuhan sila ng mga nararapat na gawin.
Matatandaang unang kinumpirma ng DOH region 2 na COVID 19 positive si PH275 na isang fireman na nakatalaga sa San Mesa, Manila at taga-Tuguegarao City.
Sinabi ni Dr. Baggao na si PH275 na 44 anyos ay nasa maayos nang kalagayan.
Wala na siyang ubo at lagnat ngunit patuloy siyang minomonitor sa isolation room sa CVMC dahil sa kanyang sakit sa puso.




