
CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Department of Agriculture (DA) Cordillera Administrative Region (CAR) ang mga bali-balita na nagkakaroon ng oversupply ng mga gulay sa nasabing rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Cameron Odsey ng DA CAR, sinabi niya na hindi totoong mayroong over supply ng gulay sa kanilang rehiyon dahil halos parehas lang naman ang produksyon nila noong nakaraang taon.
Aniya, naaantala lamang ang pagbiyahe ng mga magsasaka ng kanilang produkto dahil sa sitwasyon ngayon ng bansa na dulot ng COVID-19.
Sa ngayon upang matulungan ang mga nagtatanim ng gulay sa kanilang rehiyon ay ginagamit na nila ang sasakyan ng kanilang tanggapan para magbiyahe ng gulay sa kalakhang Maynila.
Nagbibigay na rin sila ng food pass para hindi sila harangin sa mga checkpoints at nang wala ng maging problema.
Pinabulaanan din ni Director Cameron ang kumakalat na balita na itinatapon na lamang ang gulay sa kanilang rehiyon.
Marahil aniya ay nagkataon lamang na may nakakita nang idiskarga ang mga gulay na ibinalik at gagamitin na lamang na pataba.
Kung hindi man aniya ito ipinamigay ay desisyon na ng mga may-ari kung ipapamigay nila ang kanilang mga produkto o gagamiting pataba sa kanilang mga sakahan.










