CAUAYAN CITY – Umakyat na sa labing-apat ang nagpositibo sa COVID-19 sa region 2 kabilang na ang isang buntis at apat na medical staff ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sinabi ni Dr. Leticia Cabrera, OIC Asst. Regional Director ng DOH, na nakapagtala sila ng tatlong panibagong kaso kahapon at dalawa sa kanila ay mula sa Cagayan habang ang isa ay mula sa Nueva Vizcaya.
Ang mga panibagong kasong naitala ay sina PH1180, babaeng medical staff ng CVMC na residente ng Lunsod ng Tuguegarao, walang travel history subalit may exposure kay PH275 at sa kasalukuyan ay sumasailalim na sa 21 day strict home quarantine.
Pangalawang positibo ay si PH1182, 30-anyos na mula sa Lallo, Cagayan, walang travel history subalit may exposure kay PH275 at si PH1261, 27-anyos na lalake, health worker ng Region 2 Trauma and Medical Center na residente ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Dahil dito umabot na sa lima ang nagpostibo sa COVID-19 sa Lungsod ng Tuguegarao habang tig-iisa sa Lallo, Tuao at Gattaran, Cagayan; Bayombong, Nueva Vizcaya, Solano, Nueva Vizcaya, Echague, Isabela habang tatlo sa Alicia, Isabela.
Ang kabuuang bilang ngayon ng positibo sa COVID-19 sa rehiyon dos ay labing apat kabilang na ang namatay na si PH774 na residente ng Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Wala pang naitalang kaso sa lalawigan ng Batanes at Quirino.











