--Ads--

CAUAYAN CITY – Sasampahan ng patung-patong na kaso ang pulis na suspek sa panghoholdap kagabi sa mag-asawang negosyante at natangay ang 250,000 pesos na kita sa kanilang establisimiyento at gasoline station sa Dangan, Reina Mercedes, isabela.

Matapos ang panghoholdap dakong alas siyete kagabi sa negosyanteng si Michael Etrata, may-ari ng MCE Enterprises at kanyang misis ay tumakas ang tatlong nakaboneteng suspek sakay ng isang Totoya Innova.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Mariano Rodriguez, provincial director ng Isabela Police provincial Office (IPPO) na bago ang panghoholdap ay nakita ang sasakyan ng suspek na si PLt. Oliver Tolentino na paikut-ikot sa lugar at nakipag-inuman sa kaibigan ng negosyante.

Ang suspek na si PLt. Oliver Tolentino, 37 anyos at residente ng San Fermin, Cauayan City at dating investigator ng Cauayan City Police Station at ngayon ay nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Section dahil may pending na kasong administratibo.

--Ads--

Ayon kay PCol. Rodriguez, dakong alas diyes kagabi nang patigilin ng hepe ng Reina Mercedes Police Station ang Toyota Innova na minamaneho ni Tolentino sa checkpoint sa Turod, Reina Mercedes at nagpakilalang police officer ngunit nang hilingin na magpakita ng ID ay biglang pinaharurot ang kanyang sasakyan.

Sinundan siya ng mga pulis na nasa checkpoint at inalerto ang susunod na checkpoint sa Tagaran, Cauayan City kung saan siya hinarang ngunit hindi pa rin tumigil si Tolentino at binangga pa ang barikada sa checkpoint.

Binaril ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ngunit nagpatuloy ito sa pagtakbo at binagtas ang isang makipot na daan kung saan sila bumaba kanyang 2 kasama at iniwan ang sasakyan sa tapat ng kaibigan ng suspek.

Nakuha ng mga pulis sa loob ng sasakyan ang isang Caliber 38 revolver na may tatlong bala at isang basyo, isang pitaka na may police at PRC ID, driver’s license, mga susi, gintong kuwintas at mga passbook.

Ayon kay PCol. Rodroguez, tatlong kaso ang isasampa laban sa suspek na kinabibilangan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Disobedience upon a Person or Agent in Authority.

Magpapadala siya ng investigator ng IPPO na tutulong sa imbestigador ng Reina Mercedes Police Station sa pangangalap ng matatag na ebidensiya sa pagkakadawit ni Tolentino sa panghoholdap sa mag-asawang Etrata para maisampa ang kasong robbery laban sa pulis at 2 kasama.

Ayon kay PCol. Rodriguez sa follow up operation kagabi ay nakausap niya ang pulis matapos sumuko sa Cauayan City Police Station at itinanggi ang mga bintang sa kanya kaya ang tatlong kaso pa ang uunahing isasampa laban sa kanya sa Provincial Prosecutor’s Office.

Tiniyak ni PCol. Rodriguez na bukod sa kasong kriminal ay mahaharap din ang pulis ng kasong administratibo.

Ang tinig ni PCol Mariano Rodriguez, provi ncial director ng IPPO