CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang 95 anyos na lola habang nailigtas ang kanyang anak sa pagkasunog ng kanilang bahay sa Purok 2, La Torre North, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Naganap ang sunog dakong alas siyete ng gabi noong March 30, 2020.
Ang nasawi ay si Gng. Juanita Resureccion, 95 anyos habang nailigtas ang anak na si Herminio Resureccion na stroke patient.
Unang nailabas si Herminio ng kanyang pamangkin na si Rannie Beloy ngunit hindi na nagawang mailabas ang lola dahil nang bumalik siya ay malaki na ang apoy sa loob ng bahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni FO1 Michael Sabado, investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bayombong na lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang apoy ay nagmula sa kuwarto ng lola.
Ang kasama ng mag-ina sa kanilang bahay ay isang kasambahay na stay out o umuuwi tuwing hapon kaya wala na silang kasama sa gabi.
Sinabi ni Barangay kagawad Beverlyn Agacer, apo ni Gng. Resureccion na gumagamit ng kandila kapag natutulog sa gabi ang kanyang lola dahil nasisilaw siya sa bombilya.
Ito ang tinitingnan ng BFP na posibleng pinagmulan ng apoy.
Ayon kay FO1 Sabado, patuloy ang kanilang imbestigasyon para malaman ang tunay na pinagmulan ng sunog na tumupok sa bahay ng namatay na lola.












