--Ads--

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 17 ang tinamaan ng  Coronavirus Disease (COVID-19) sa region 2 matapos na dalawa pang taga-Tuguegarao City ang nagpositibo sa sakit.

Ayon kay Dr. Leticia Cabrera, Asst. Regional Director ng Departent of Health (DOH) region 2, ang mga pinakahuling nagpositibo sa COVID-19 ay sina patient 2268, 35 anyos na umuwing OFW sa Hong Kong at misis ni PH661.

Ang ikalawang pinakabagong COVID 19 positive ay si PH2271, 71 anyos na matandang  American citizen na dumating sa Tuguegarao City mula sa California, Estados Unidos.

Si PH2271 ay  dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong March 4, 2020 at dumating sa Tuguegarao City noong March 9, 2020 sakay ng eroplano.

--Ads--

Noong March 12-14, 2020 ay namasyal siya kasama ang ilang kamag-anak sa Vigan City at Pagudpod sa Ilocos Sur.

Noong March 15, 2020 ay nakaranas siya ng ubo, sore throat at na-admit sa Cagayan Valley medical Center (CVMC) noong March 23, 2020 at nasa maayos namang kalagayan bagamat mayroon siyang asthma at diabetes.

Inihayag naman ni Dr. Cherilou Antonio, Medical Professional Staff II ng CVMC  na 6 na naunang COVID-19 positive ang negatibo na sa ikalawang swab test result.

Una ay si  PH275 na fireman na unang tinamaan ng COVID-19 sa region 2.

Ikalawa si PH661 na mister ng OFW na si PH2268 na panibagong positibo sa sakit.

Ikatlo  si  PH837 na 52 anyos na taga-Alicia, Isabela,  ina ng 25 anyos si PH838 na buntis na wala pang resulta ang ikalawang swab test.

Ikaapat  si PH840 na 27 anyos na mister ng buntis.

Ikalima  si  PH893, 73 anyos  na residente ng Tuguegarao City at nahawaan ng anak na si PH275.

Ikaanim si PH1261 na 27 anyos na isang nurse ng Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Bayombong,  Nueva Vizcaya.

Hinihintay pa ang resulta ng ikalawang swab test kina Patients 839, 841, 1180 na pawang nurse ng CVMC, 1183 at 1333 na 5 anyos na batang babae sa Nueva Vizcaya.