
CAUAYAN CITY – Natagpuang patay sa barangay Dianao, Cauayan City ang isang lalaki na apat na araw nang nawawala.
Ang biktima ay si Noel Ancheta 28 anyos, may asawa at residente ng Buyon, Cauayan City.
Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station na huling nakita ang biktima noong hapon ng March 26, 2020 sa barangay Dianao na nakikipag-inuman kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Rodrigo Pancho, Archard Pancho at Sherwin Roque.
Matapos umanong makaubos ng ilang bote ng alak dakong 9:30 ng gabi sa nasabing petsa ay umalis na ang mga nag-iinuman.
Hinanap si Ancheta nang mapansin ng kanyang kapatid na si Julie Ancheta na ilang araw nang hindi umuuwi.
Natagpuan nila kahapon ang naagnas nang bangkay ni Noel Ancheta sa San Isidro Farm barangay Dianao.
Matapos maipabatid sa Cauayan City Police Station ang pangyayari ay pinuntahan nila ang lugar kasama ang Cauayan City Crime Laboratory.
Patuloy ang pagsisiyasat ng mga pulis para malaman kung ano ang tunay sanhi ng pagkamatay ng biktima.










