CAUAYAN CITY – Umalma si Mayor Jaime Atayde sa mga lumalabas sa social media na ninanakaw umano ng mga politiko ang pondo na inilaan ng pamahalaan sa Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jaime Atayde, sinabi niya na dapat tignan muna ng mga mamamayan lalo na ang mga kabataan kung ano talaga ang tunay na sitwasyon bago sila magpost ng kung anu-ano sa social media.
Aniya, ang katotohanan ngayon ay nasa limampo hanggang animnapong bahagdan lamang ang makakatanggap ng ayuda mula sa DSWD dahil kulang na kulang ang pondong ibinigay na siyang problema ngayon ng halos lahat ng mga mayor sa bansa.
Batay sa kanilang napag-usapan ay pinapayuhan na lamang nila ang mga makakatanggap na kung may mga kapatid silang hindi nabigyan ay ibahagi na lamang ito.
Naiintindihan aniya nila ang sitwasyon ng mga tao ngayon subalit kailangan din nilang magtulungan lalo na at hindi biro ang krisis na pinagdadaanan ng bansa.
Hiniling naman niya kay House Speaker Allan Peter Cayetano na bawiin na ang sinabi nitong lahat ay makakatanggap dahil ito ang pinanghahawakan ng mga tao ngayon.
Iginiit din niya na dapat magpaliwanag din ang DSWD sa usaping ito at huwag manahimik dahil sila ang nadidiin.
Samantala, naniniwala naman si Gov. Rodito Albano ng Isabela na walang magsasamantalang mayor sa pamamahagi ng tulong pananalapi sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Sa ginanap na pulong kahapon ng mga mayor sa Luna, Isabela na pinangunahan ng punong lalawigan, sinabi niya sa harap ng mga kagawad ng media na kung mamumulitiko ang mga mayor sa usaping ito ay wala rin silang aasahan sa kanya.
Aniya, itinataya niya ang kanyang pangalan sa usaping ito kaya kung hindi sila susunod sa kanilang mga napagkasunduan ay ibang usapan na ito.











