
CAUAYAN CITY – Patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ni dating Senador Heherson Alvarez na inilipat sa Intensive Care Unit (ICU) ng Manila Doctors Hospital matapos na mag-develop ng bacterial pneumonia nang magpositibo sa Coranavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Hexilon Alvarez, sinabi niya na hindi na naka-intubate ang kanyang ama ngunit critical pa rin ang kondisyon.
Ang kanyang ina na si Gng. Cecile Guidote-Alvarez ay wala nang ventilator ngunit patuloy na minomonitor ang kanyang kalagayan dahil mayroon siyang diabetes at hypertension.
Ayon kay Ginoong Alvarez, tinatayang isa hanggang dalawang linggo pa ang palilipasin bago muling isailalim sa COVID-19 testing ang kanyang mga magulang.
Umaasa sila na patuloy na bubuti ang kanilang kalagayan sa tulong ng patuloy na dasal para sa kanila ng mga nagpapaabot ng suporta.
Ipinagbabawal aniya ng pamunuan ng ospital ang paglalahad ng daily updates sa kalagayan ng kalusugan ng mga magulang matapos na maglipana sa social media ang maling impormasyon lalo na ang lumabas na pumanaw na ang dating senador.
Nagpapasalamat ang mga anak ng mag-asawang Alvarez sa mga patuloy na nagdarasal para sa paggaling ng kanilang mga magulang at sa mga frontliners na patuloy na nagsisikap na mapabuti ang kanilang kalagayan.










