CAUAYAN CITY – Lalo pang nadagdagan ang bitak ng gusali ng pamahalaang lokal ng Sabtang, Batanes matapos maitala ang 6.0 magnitude na lindol noong madaling araw ng Sabado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Roldan Esdicul, sinabi niya na matapos ang 6.0 magnitude na Lindol na naganap noong madaling araw ng Sabado sa bayan ng Basco ay hindi na sila nakaramdam ng anumang aftershocks.
Batay anya sa kanyang pag-iikot at sa ulat ng mga MDRRMO ang dating mayroon nang mga bitak ng pamahalaang gusali ng Sabtang sa mga nagdaang lindol sa kanilang lalawigan ay lalo pang nadagdagan ang bitak sa nakalipas na malakas na pagyanig.
Ang ipinagpapasalamat na lamang nila ay walang casualty at nasirang ari-arian sa pinakahuling naganap na malakas na pagyanig sa Batanes
Magugunitang sa naganap na malakas na pagyanig noong nakaraang taon na tinamaan ang bayan ng Itbayat ay maraming gusali ang nasira dahil sa nasabing lindol.











