CAUAYAN CITY – Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang isang ordinansa na magbibigay ng proteksyon sa mga frontliners na nakararanas ng diskriminasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlalawigan member Atty. Randy Arreola, sinabi niya na ang Ordinance No. 2020-10-3 series of 2020 ay naipasa ng Sangguniang Panlalawigan noong March 30, 2020.
Aniya, naisipan itong ipasa ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa mga ulat na nalalabag na ang karapatan ng mga PUI, PUM, health workers at iba pang frontliners.
Bagama’t wala pang naiuulat dito sa lalawigan ay nagpasa na sila ng ganitong ordinansa para hindi matulad sa ibang lugar ang mga frontliners sa Isabela.
Nakapaloob sa ordinansang ito ang pagbabawal sa mga tao na gumawa ng hakbang para makaranas ng diskriminasyon ang mga health workers at iba pang frontliners gayundin ang mga PUI, PUM, mga mismong positibo sa COVID-19 at sa kanilang mga pamilya.
Ang sinumang gagawa ng aksyon para makaranas ng diskriminasyon ang mga health workers ay maaring makulong ng tatlong buwan o di kaya ay mapatawan ng penalty o multa na P3,000.
Kung ginawa naman ito sa pamamagitan ng social media ay makukulong ng anim na buwan at ang kanyang magiging multa ay P5,000.
Kung ang sangkot ay opisyal o empleyado ng pamahalaan, bukod sa mapapatawan ng parusa ay maari ring makasuhan ng administratibo depende sa kanilang ginawa.
Ayon kay Atty. Arreola, kailangang may magreklamo na nakaranas ng diskriminasyon at kung mapatunayan na nagkasala ang inirereklamo ay dadaan sa tamang proseso ang pagsasampa ng kaso.
Epektibo ang ordinansang ito simula nang ito ay maipasa at magtatagal hanggang matapos ang usapin sa COVID-19 sa bansa.
Kasama ni Atty. Randy Arreola si Board member Emmanuel Joselito Añes na sponsor sa nasabing ordinansa.











