--Ads--

CAUAYAN CITY – Naibigay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang pondo ng lahat ng Local Government Units (LGUs) sa rehiyon para sa implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD Region 2, sinabi niya na natanggap na ng 93 LGUs sa rehiyon ang kanilang pondo para sa SAP.

Dahil dito, sa mga susunod na araw ay matatanggap na ng mga benepisaryo ang nasabing ayuda.

Dito sa Isabela aniya ay pitong bayan na ang natapos na sa pamamahagi ng Social Amelioration Assistance.

--Ads--

Ayon kay G. Trinidad, mahigit isang daang libo na ang benepisaryo ng nasabing programa ang nabigyan na ng ayuda na nagkakahalaga ng mahigit limang daang milyon.

Sa buong rehiyon ay tatlong bilyon ang naibabang pondo kaya mayroon pang 2.5 milion ang hindi naipapamahagi.

Puntirya aniya nila itong tapusin bago matapos ang buwan ng Abril.

Samantala, tiniyak ni G. Trinidad na binibigyan nila ng pansin ang mga nagpaparating ng kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng kanilang hotline at sa kanilang social media account.

Sa mga hindi aniya napasama sa mga makakatanggap ng ayuda mula sa nasabing programa ay kinukuha nila ang kanilang pangalan at sisikapin nilang mabigyan ng tulong mula sa ibang programa ng DSWD.

Tinig ni G. Chester Trinidad.