CAUAYAN CITY – Nakahalf mast ngayon ang bandila ng Pilipinas sa Isabela Provincial Capitol bilang pakikiisa sa pagluluksa sa pagpanaw ni dating Senator Heherson Alvarez.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Information Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sinabi niya na sa inilabas na pagpapahayag ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Rodito Albano III ay ipinapaabot ng mga kawani nito ang taos pusong pakikiramay sa naiwang pamilya ng tinaguriang Mr. Environmentalist sa serbisyong ibinigay nito sa Sambayanang Pilipino.
Sinariwa rin ng pamahalang panlalawigan ang naiambag ng dating senador sa pamahalaan mula ng ito ay nahalal na senador kabilang na ang mga nagawa niyang pangangalaga at pagpapayaman sa kalikasan noong siya ay naging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Dagdag pa ni Atty. Binag na bagamat wala pang nailalatag na plano sa gagawing aktibidad para sa kanilang pakikidalamhati dahil sa umiiral na Enhance Community Quarantine ay gumagawa na ng paraan ang Pamahalaang Panlalawigan upang maibigay ang huling pagpupugay sa dating Senador.
Samantala, nakahalf mast din ngayon ang bandila ng Pilipinas sa buong nasasakupan ng lunsod ng Santiago bilang pakikidalamhati sa pagpanaw ng dating Senador.
Ang hakbang na ito ng pamahalaang lunsod ay bilang pagbibigay na rin ng respeto sa isa sa ipinagmamalaki ng lunsod.











